--Ads--

Nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan, mga kawani, volunteers at mamamayang Filipino na naging bahagi ng matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Sa kaniyang Facebook post, kinilala ng Pangulo ang pagsisikap at dedikasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nanguna sa paghahanda, seguridad, transportasyon, kalusugan at iba pang mahahalagang aspeto ng summit.

Nagpasalamat din siya sa mga performers at artists na nagpakita ng talento at pagkamalikhain ng mga Filipino, gayundin sa mga media at communications team na tumulong sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa mga aktibidad ng ASEAN.

Partikular ding pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang mga mamamayang Filipino na naapektuhan ang pang-araw-araw na gawain dahil sa mga paghahanda at aktibidad kaugnay ng summit.

--Ads--

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng kanilang pasensya, pang-unawa at pakikiisa, na aniya’y muling nagpakita ng kilalang pagiging mapagpatuloy ng mga Filipino.

Iginiit din niya na naging bunga ng sama-samang pagsisikap ng maraming tao at ahensiya ang matagumpay na pagho-host ng bansa sa naturang summit.