--Ads--

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na tularan ang mga bayani at magkaisa para sa pag-unlad ng bansa sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-pugay ng pangulo ang mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay para makamit ang kalayaan ng Pilipinas.

Aniya, ang deklarasyon ng kalayaan sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898 ay naging mahalagang sandali sa kasaysayan ng bansa dahil ito ang pormal na paggiit ng mga Pilipino sa kanilang karapatang mamahala sa sarili at hubugin ang kanilang kinabukasan.

Binigyang-diin din ni Marcos ang mga hamon sa kasalukuyang panahon, kabilang ang pangangalaga sa katotohanan, responsableng paggamit ng teknolohiya, at pagpapatibay ng tiwala at pagkakaisa sa lipunan.

--Ads--

Ayon sa pangulo, ang kalayaan ay hindi lamang pamana ng nakaraan kundi isang pananagutang dapat pangalagaan at ipasa sa susunod na henerasyon.

Aniya, ang magiging tugon ng bansa sa mga hamon ng kasalukuyan ang magtatakda sa direksiyon ng Pilipinas sa mga darating na taon.