Magkakaroon ng panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo bukas, Enero 27.
Batay sa anunsyo ng mga kumpanya ng langis, magtataas ng hanggang ₱1.40 kada litro ang presyo ng diesel, habang ₱0.40 kada litro naman sa gasolina, at ₱0.80 kada litro sa kerosene.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ngayong taon. Ang diesel naman ay limang linggo nang tuluy-tuloy na tumataas ang presyo mula pa noong huling bahagi ng Disyembre.
Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, ang pagtaas ng presyo ay dulot ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng oil exports sa Black Sea, pansamantalang paghinto ng produksyon sa dalawang oil field sa Kazakhstan, at pagtaas ng demand bunsod ng positibong pananaw sa paglago ng ekonomiya ng China.
Dagdag pa niya, ang malamig na panahon sa United States at Europe ay nagdulot din ng mas mataas na konsumo ng fuel.
Samantala, nananatiling pabagu-bago ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa geopolitical tensions, kabilang ang hakbang ng Estados Unidos na kontrolin ang Venezuelan oil at ang pagpataw ng sanctions sa ilang Iranian oil vessels at kumpanyang may kaugnayan sa kaguluhan sa Iran.









