--Ads--

CAUAYAN CITY – Kailangan ng bagong batas upang mabuwag ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, national president ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na hindi maaaring basta na lamang buwagin ang PhilHealth dahil ito ay binuo sa pamamagitan ng batas.

Gayunman, iginiit niya na hindi ito napapanahon dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic sa bansa.

Ang marapat na gawin ngayon ay mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian at hindi dapat madamay ang mga inosenteng kawani ng nasabing ahensiya ng pamahalaan

--Ads--

Dapat na tanggalin sa puwesto, kasuhan at ipakulong ang mga sangkot sa katiwalian sa PhilHealth at ibalik ang kanilang kinurakot na pera.

Kailangang isipin ng pamahalaan na ang pondo ng PhilHealth ay mula sa kontribusyon ng mga manggagawa at employer at hindi pera ng pamahalaan.

Ayon kay Atty. Cayosa, kapag nalugi ito ay marapat na ang pamahalaan ang mananagot dahil ito ang namamahala sa nasabing ahensiya.

Ipinagmamalaki aniya ng pamahalaan ang kampanya kontra corruption ngunit hindi matugunan ang multi-bilyong bilyong pisong katiwalian sa Philhealth.

Iginiit niya na kailangan ang political will tulad ng kampanya ng pamahalaan kontra illegal na droga para linisin ang ahensiya mula sa katiwalian.

Tinawag pa ni Atty. Cayosa na katawa-tawa ang mungkahing na isapribado ang PhilHealth dahil walang sinumang negosyante ang mangangahas at mag-iinteres na bibili sa isang institusyon na talamak ang katiwalian.

Ang pahayag ni IBP National President Domingo Cayosa.