--Ads--

Nilinaw ng Schools Division Office (SDO) Isabela na ang DepEd Order No. 14, Series of 2026 ay karagdagang gabay lamang sa umiiral nang patakaran sa pagsuspinde ng klase at hindi isang bagong polisiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DRRMO Officer Kris Dela Cruz ng SDO Isabela, sinabi niyang ang EO 14, Series of 2026 ay supplementary guidelines lamang sa DepEd Order No. 22, Series of 2024 na nagsisilbing pangunahing batayan sa class suspension tuwing may kalamidad at masamang panahon. Aniya, nananatiling nakabatay sa mga inilalabas na abiso at tropical cyclone wind signals ng DOST-PAGASA ang pagpapatupad ng suspensyon ng klase.

Ipinaliwanag niya na awtomatikong suspendido ang klase sa kindergarten kapag nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1, habang kindergarten hanggang junior high school naman kapag Signal No. 2. Kapag Signal No. 3, suspendido na ang lahat ng antas ng klase sa ilalim ng DepEd pati na rin ang trabaho sa mga paaralan.

Binigyang-diin ni Dela Cruz na mananatiling suspendido ang klase kahit maaraw ang panahon kung may umiiral na wind signal sa lugar dahil bahagi ito ng pagiging maagap ng DepEd sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan.

--Ads--

Dagdag niya, may kapangyarihan din ang mga alkalde at gobernador na magdeklara ng suspensyon ng klase batay sa aktuwal na sitwasyon sa kanilang mga nasasakupan. Sa ganitong mga pagkakataon, nakikipag-ugnayan ang mga lokal na pamahalaan sa DepEd upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga anunsyo.

Dagdag pa niya, ang mga class suspension advisories ng SDO Isabela ay nakabatay sa opisyal na weather updates ng DOST-PAGASA, partikular sa inilalabas na alas-5 ng umagang weather bulletin.