--Ads--

Matagumpay na isinagawa sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Isabela ang Nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng insidente at pagtiyak sa kaligtasan ng mga guro at estudyante.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pcapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Provincial Police Office, sinabi niyang nakiisa sa aktibidad ang mga tauhan ng PNP at Mobile Force Company, katuwang ang BFP, NDRRMO, LGU at DepEd.

Itinuro sa mga guro at estudyante ang mga nararapat at hindi dapat gawin sakaling magkaroon ng active attack sa kanilang paaralan, kabilang ang tamang pagse-secure sa sarili at agarang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Binigyang-diin ni Topinio na mahalagang huwag mag-panic at manatiling kalmado sa oras ng insidente. Hinikayat din ang publiko na tiyaking mayroon silang emergency hotline numbers ng kapulisan at iba pang ahensya sa kanilang mga cellphone.

--Ads--

Ayon sa opisyal, may ilang grupo na humiling ng karagdagang lecture sa kanilang mga bayan upang mas mapalawak pa ang kaalaman ng mga guro at estudyante hinggil sa school safety.

Bukod dito, patuloy din ang barangay visitations, pakikipag-usap sa mga magulang at guardians, at social media postings upang maiparating ang mahahalagang safety reminders sa publiko.

Samantala, pinaalalahanan din ng kapulisan ang mga gun owners na huwag ibunyag ang kinaroroonan ng kanilang mga armas at tiyaking nakatago ang mga ito sa ligtas at maayos na lalagyan bilang bahagi ng kanilang responsibilidad sa pagpapanatili ng seguridad.