--Ads--

Patuloy na tinututukan ng mga awtoridad ang paggamit ng mga parcel at delivery services bilang umano’y bagong paraan ng pagpapakalat at pagbebenta ng ilegal na droga sa iba’t ibang lugar.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Intelligence Agent 5 Armenio Gaudia, Provincial Officer ng PDEA Quirino at Santiago City,, ginagamit ng ilang sangkot sa iligal na kalakalan ng droga ang mga parcel deliveries upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan at makaiwas sa mga operasyon ng law enforcement agencies. Dahil dito, mas pinaigting ang pagbabantay at monitoring sa mga kahina-hinalang padala na maaaring naglalaman ng ipinagbabawal na gamot.

‎Nagbabala rin ang mga awtoridad sa mga indibidwal na patuloy na sangkot sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga na hindi titigil ang mga operasyon laban sa kanila.

Binigyang-diin nila na patuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang upang matukoy at mahuli ang mga gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagpapalaganap ng ilegal na droga.

‎Ayon pa sa mga awtoridad, kabilang sa kanilang mga estratehiya ang mas mahigpit na koordinasyon sa mga courier at delivery service providers upang agad matukoy at masawata ang paggamit ng parcel services sa mga iligal na transaksyon.

‎Naniniwala ang mga opisyal na mahalaga ang pakikipagtulungan ng publiko at ng pribadong sektor upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga at mapanagot ang mga nasa likod ng naturang mga gawain.

‎Patuloy namang hinihikayat ang publiko na agad iulat sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang aktibidad na maaaring may kaugnayan sa ilegal na droga upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.