--Ads--

Inihayag ng IBON Foundation na hindi umano ang Pilipinas ang pangunahing makikinabang sa planong Pax Silica na itatayo sa bansa, dahil mas nakikita nilang higit na makikinabang dito ang mga dayuhang namumuhunan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niya na hindi naisasabuhay ng kasalukuyang administrasyon ang tinatawag na Filipino First Policy dahil sa mga hakbang na nagbibigay umano ng mas malaking oportunidad sa mga dayuhang interes.

Ayon kay Ginoong Africa, maaaring magdulot ng benepisyo ang Pax Silica sa industriya ng teknolohiya, ngunit iginiit niya na kailangang tiyakin na ang mga Pilipino ang pangunahing makikinabang sa naturang proyekto. Kabilang dito ang paglikha ng mas maraming trabaho, pagpapaunlad ng lokal na industriya, at paglilipat ng kaalaman at teknolohiya sa mga kumpanyang Pilipino.

Dagdag pa niya, dapat magkaroon ang pamahalaan ng malinaw na polisiya upang maprotektahan ang interes ng bansa at hindi lamang umasa sa pamumuhunan ng mga dayuhang kompanya. Binigyang-diin niya na mahalagang suriin kung gaano kalaki ang magiging ambag ng proyekto sa ekonomiya ng Pilipinas at kung paano nito mapapalakas ang lokal na kakayahan, sa halip na manatiling bahagi lamang ang bansa ng pandaigdigang supply chain.

--Ads--

Iginiit ng IBON Foundation na kailangang bigyang-priyoridad ang mga programang magpapalakas sa sariling industriya ng Pilipinas upang matiyak na ang malalaking proyekto sa bansa ay tunay na magdudulot ng pakinabang sa mga Pilipino.

Aniya, marami nang dayuhang mamumuhunan ang kumita mula sa likas na yaman at lakas paggawa ng bansa, ngunit limitado umano ang naging pakinabang nito sa Pilipinas dahil hindi sapat na nabibigyang-pansin ng pamahalaan ang sariling interes ng bansa at mas napapaboran ang kapakanan ng mga investor sa ilang kasunduan.