Ipinagtataka ng economic think tank kung bakit ipinipilit pa rin ng administrasyong Marcos ang free trade agreement (FTA) sa ilang mga bansa gayong hindi naman ito nakatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ito ay kasunod ng anunsyo na pormal nang natapos ng Pilipinas at Canada ang negosasyon para sa FTA sa naganap na bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney sa sidelines ng 49th ASEAN Summit and Related Meetings nitong Sabado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation, binigyang-diin nito na sa loob ng ilang dekada ay ilang FTA na ang pinasok ng Pilipinas kasama ang maraming bansa subalit sa kabila nito, bumabagsak pa rin ang sector ng agrikultura, manufacture, at iba pang sector na nakaapeko sa ekonomiya ng Pilipinas.
Aniya, magkakaroon lamang ng saysay ang kasunduan para sa malayang kalakalan kung sasabayan ito pagsuporta ng pamahalaan sa lokal na agrikultura at industriya. Kung wala umanong suporta, tanging ang mga dayuhang mangangalakal lamang ang makikinabang.
Ayon kay Africa, simula noong pumasok sa pamahalaan sa Free Trade Agreement ay tuloy-tuloy ang paglaki ng trade deficit ng bansa.
Ito ay dahil ang mga ineexport na produkto ng Pilipinas ay galing din naman sa import. Isang halimbawa rito ang pinakamalaking exports ng Pilipinas na semi-conductors na pagmamay-ari ng dayuhang kumpanya, ibig sabihin, walang umanong totoong ineexport ang Pilipinas dahil sa kawalan ng suporta ng pamahalan sa lokal na agrikultura at industriya.
Bagama’t may mga dayuhang negosyante na nagtutungo sa Pilipinas para mag-proseso ng kanilang produkto at nakakapaglikha ng trabaho para sa mga Pilipino, sa bandang huli ay wala rin itong pakinabang sa long term economic development ng bansa.
Kaugnay nito ay dapat umanong gumawa ng inisyatibo ang pamahalaan na magtayo ng sariling kumpanya o makipag-joint venture sa mga foreign companies na Pilipinas ang may kontrol upang matiyak na mapupunta sa pamahalaan ang kita.











