Dapat umanong talakayin sa nalalapit na ASEAN Summit ang pagtigil ng Estados Unidos sa pagsalakay nito sa Iran na labis na nakaaapekto sa ekonomiya ng maraming mga bansa sa Southeast Asian Nations kabilang na ang Pilipinas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose Enrique “Sonny” Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi nito na ang naturang giyera ay nagbunsod sa labis na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na dahilan din ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Aniya, maaari itong makasama sa relasyon ng Pilipinas at America subalit mas mahalaga ang hinaing at paghihirap ng mga Pilipino kaysa patuloy na suportahan ang bansang nagpapahirap sa Pilipinas.
Iginiit ni Africa na ang US-Philippine relation ay hindi dapat maging balakid sa pagpuna sa maling ginagawa ng Estados Unidos.
Aniya, sampu sa mga bansa sa ASEAN ay hindi basta sunod-sunuran sa US kaya dapat marunong ding manindigan ang Pilipinas lalo at gumastos ito ng malaki para sa naturang Summit.
Kapag Pilipinas ang mangunguna sa pagpuna kay US President Donald Trump sa giyera nito Iran na nagpataas ng husto sa presyo ng mga bilihin, nakasisiguro si Africa na susuportahan ito ng maraming bansa sa ASEAN.











