--Ads--

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules ng gabi, May 13, ang masusing imbestigasyon sa mga naiulat na putok ng baril sa loob ng Senado ng Pilipinas, kasabay ng paglilinaw na walang direktiba mula sa pamahalaan na arestuhin si Senador Ronald dela Rosa.

Sa isang video statement, sinabi ng Pangulo na binantayan niya ang insidente sa loob ng mahigit dalawang oras at nakipag-ugnayan siya kina Interior Secretary Jonvic Remulla at NBI Director Melvin Matibag, na kapwa tumangging sangkot ang kanilang hanay sa pagpapaputok sa loob ng Senado.

Ayon sa Pangulo, inatasan na niyang umalis ang mga NBI agents sa lugar bandang alas-4 ng hapon matapos hindi pagbigyan ng Korte Suprema ang hiling na temporary restraining order kaugnay sa pag-aresto kay Dela Rosa, at aniya ay sumunod naman ang mga ito.

Nilinaw rin niya na walang umiiral na utos para arestuhin ang senador. “Wala. Wala pong instruction kahit na kanino na hulihin si Senator Bato.” giit ng Pangulo.

--Ads--

Ipinaliwanag din ng Malacañang ang presensya ng iba’t ibang uniformed personnel sa loob ng Senado, kabilang ang Philippine National Police para sa crowd control, Marines bilang permanent security detachment, at Senate sergeant-at-arms personnel na responsable sa seguridad ng gusali.

Kasabay nito, nagsagawa ng joint investigation ang Senado at PNP upang matukoy kung ang mga putok ay bunga ng aksidenteng engkwentro o sadyang panunulsol ng kaguluhan.

Sa ulat ng mga mamamahayag sa lugar, nagkagulo umano matapos ang mga putok ng baril sa loob ng gusali, dahilan upang magtakbuhan ang ilan at pansamantalang patayin ang ilaw sa loob ng complex. Sa labas naman, nagtipon ang mga tagasuporta ni Dela Rosa habang mahigpit na nag-deploy ng mga pulis para sa seguridad.

Matatandaang si Dela Rosa ay may kinakaharap na arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa anti-drug campaign noong panahong siya ay hepe ng PNP.