Kinumpirma ng Malacañang ang nakatakdang biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Russia para sa isang official working visit sa Hunyo 17 hanggang Hunyo 19, 2026.
Inaasahang makikipagpulong si Pangulong Marcos kay Russian President Vladimir Putin sa ASEAN-Russia Summit na gaganapin sa Kazan, Russia.
Ayon kay Russian Foreign Minister Sergey Lavrov, inaasahan ng Russia ang pagdalo ni Pangulong Marcos sa naturang summit.
Sinabi rin ni Lavrov na ang summit ay inaasahang magbibigay-daan upang mapalalim pa ang 35 taong ugnayan ng Russia at ASEAN sa mga larangan ng kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, agrikultura, digitalisasyon, agham, edukasyon, turismo, at kultura.
Pinuri rin niya ang tinawag nitong balanseng posisyon ng Pilipinas sa usapin ng digmaan sa Ukraine, at muling iginiit ang pagtutol ng Russia sa militarisasyon sa Asia-Pacific region.
Samantala, inaasahang lalo pang mapapalakas ang kooperasyon sa turismo sa ilalim ng ASEAN-Russia Work Plan para sa 2026.
Ang Kazan, na itinuturing na ikatlong kabisera ng Russia, ay isa sa mga mahalagang sentro ng mga multilateral na pagpupulong sa bansa.











