--Ads--

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglulunsad ng Presidential Scholars Program kung saan limang estudyante mula sa bawat barangay sa buong bansa ang tatanggap ng tig-₱100,000 scholarship upang mahikayat ang mas maraming kabataan na makatapos ng kolehiyo.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, sinabi ng Pangulo na nananatiling pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon dahil ito ang susi sa pagpapalawak ng kakayahan at oportunidad ng mga Pilipino.

Ayon kay Marcos, ang pondo para sa programa ay magmumula sa Tanggapan ng Pangulo at layuning matulungan ang mga estudyanteng makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Binigyang-diin din niya ang pagpapalakas ng Senior High School curriculum sa pamamagitan ng mas pinaigting na work immersion programs upang mas maihanda ang mga mag-aaral sa paghahanap ng trabaho.

--Ads--

Iniulat din ng Pangulo na mahigit 1,500 Senior High School graduates ang agad na natanggap sa trabaho sa isinagawang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair noong Marso, at maaari na rin silang mag-aplay para sa mga entry-level na posisyon sa pamahalaan.

Ipinagmalaki rin ni Marcos ang pagtaas ng bilang ng mga kolehiyo at unibersidad sa bansa na kabilang sa World University Rankings for Innovation (WURI), mula 12 noong 2022 hanggang 140 ngayong taon, kung saan mahigit kalahati ay mga state at local universities and colleges na may libreng matrikula.

Samantala, nanawagan din ang Pangulo ng mas mahigpit na proteksyon para sa mga kabataan laban sa mapaminsalang nilalaman sa internet tulad ng fake news, pornograpiya, karahasan, at mapanirang kultura sa social media na maaaring magdulot ng mga suliraning pangkalusugan at panlipunan.