--Ads--

Kinumpirma ng Malacañang na nagbigay ng pahintulot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang mabuksan ang tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, susunod ang Pangulo sa itinakdang proseso at mga probisyon ng batas, lalo na kung kinakailangan ang naturang hakbang upang mabigyang-linaw ang mga isyung tinatalakay sa paglilitis.

Sinabi ni Castro na hindi ipagkakait ng Pangulo ang pagbibigay ng kinakailangang pahintulot kung ito ay para sa paghahanap ng katotohanan at kapakanan ng publiko.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento si Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng legal team ni Vice President Duterte.

--Ads--

Matatandaang nagsimula nang magpalabas ng mga subpoena ang impeachment court para sa tax at bank records ng Bise Presidente. Kabilang sa mga inatasang magsumite ng mga dokumento ang BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang bangko bilang bahagi ng pagdinig sa impeachment case.