Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang layunin ng pamahalaan na mapalawak ang access ng mga Pilipino sa specialized healthcare services sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming specialty centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa Pangulo, target ng administrasyon na makapagtayo ng kabuuang 349 specialty centers bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
Aniya, lumutang noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ang kakulangan ng specialized medical facilities lalo na sa mga lalawigan sa labas ng Metro Manila, dahilan upang paigtingin ng gobyerno ang pagpapatayo ng mga ganitong pasilidad.
Kabilang sa mga naitayo na ng pamahalaan ang brain and spine center sa Cagayan Valley Medical Center na pinasinayaan ng Pangulo nitong Biyernes. Nangako rin siyang palalawakin pa ang pagtatayo ng kahalintulad na mga sentro sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Dagdag pa ni Marcos, handa ang kanyang administrasyon na makinig sa mga mungkahi mula sa mga komunidad at sektor ng kalusugan upang lalo pang mapabuti ang mga programang medikal ng pamahalaan para sa kapakanan ng mamamayan.











