Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na target ng pamahalaan na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog bago matapos ang kanyang administrasyon sa 2028 upang mapalakas at matiyak ang katatagan ng industriya ng niyog sa mga susunod na dekada.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na nakapagtanim na ang pamahalaan ng 18 milyong puno ng niyog sa ilalim ng malawakang programa ng pagtatanim na ipinatutupad sa buong bansa.
Ayon kay Marcos, patuloy na lumalawak ang mga taniman ng niyog dahil sa isinusulong na mga programa ng gobyerno na naglalayong mapataas ang produksyon at mapabuti ang kabuhayan ng mga magniniyog.
Binigyang-diin din ng Pangulo na patuloy na tumataas ang produksyon sa sektor ng agrikultura dahil sa mas pinalakas na suporta ng pamahalaan kabilang ang pagbibigay ng puhunan, kagamitan, pagsasanay, insurance, at iba pang serbisyo para sa mga magsasaka at mangingisda.
Aniya, nakatulong din ang pagpapalawak ng mga imprastraktura, sistema ng irigasyon, at paggamit ng makabagong makinarya upang mapataas ang ani at produksyon sa sektor.
Kabilang sa mga naipagkaloob ng pamahalaan ang 145 rice processing systems, tatlong malalaking cold storage facilities, at halos 40,000 makinaryang pang-agrikultura para sa mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, sinabi rin ni Marcos na magsasagawa ang Department of Agriculture ng mga pagsasanay para sa mga magsasaka hinggil sa makabagong pamamaraan laban sa mga peste at sakit ng mga hayop tulad ng Avian Flu at African Swine Fever upang maprotektahan ang produksyon ng pagkain sa bansa.











