--Ads--

Ipinaliwanag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ang inilunsad na DENR Express Permitting on Wheels bilang bahagi ng pagpapatupad ng mas pinalawak na serbisyo publiko ng ahensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Executive Director for Management Services Enrique Pasion, sinabi niya na ang Permitting on Wheels ay isang programa ng DENR na naglalayong pabilisin at gawing mas accessible ang pagkuha ng iba’t ibang environmental permits sa pamamagitan ng pagdadala ng serbisyo direkta sa mga lungsod at munisipalidad.

Isinagawa ang programa sa loob ng dalawang araw, mula Abril 14 hanggang 15, 2026, at sabay-sabay na inilunsad sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Sa Rehiyon Dos, unang isinagawa ang aktibidad sa municipal gymnasium ng Sta. Ana, Cagayan, at ngayong araw ay sa Quirino, Isabela. Ayon sa DENR, nakatakda rin itong isunod sa Cauayan City, Naguilian, Cordon at Sta. Maria bilang bahagi ng kanilang rollout sa iba pang local government units sa rehiyon.

--Ads--

Sa buwan ng Hunyo, ang coastal towns ng Isabela naman ang kanilang pupuntahan pangunahin sa bayan ng Palanan.

Sa ilalim ng programa, nagtalaga ang DENR ng mga mobile permitting hubs kung saan tumutulong ang mga tauhan ng Environmental Management Bureau (EMB) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa pagproseso ng mga aplikasyon para sa air at water quality permits, Environmental Compliance Certificate (ECC), hazardous waste registration, at iba pang environmental requirements.

Kasama rin dito ang on-the-spot processing ng tree cutting permits, chainsaw registration and permits, wildlife transport permits, at quarry permits, depende sa kompletong dokumento ng aplikante.

Ayon kay Pasion, layunin ng programa na magbigay ng real-time assistance at one-on-one technical support upang mas mapabilis ang transaksyon at mabawasan ang gastusin at biyahe ng mga kliyente, lalo na ng mga maliliit na negosyo at lokal na industriya.

Dagdag pa ng DENR, nagsasagawa rin sila ng information sessions at lecture hinggil sa mga umiiral na environmental laws, gayundin ng mga walkthrough sa paggamit ng kanilang online permitting systems upang hikayatin ang digital na transaksyon.

Plano ng ahensya na gawing regular o buwanang aktibidad ang Permitting on Wheels upang higit pang mapadali ang pagsunod sa mga regulasyon at masuportahan ang mas responsableng pagnenegosyo at pangangalaga sa kalikasan sa rehiyon.