Mas pinalalakas ng House of Representatives ang direktang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagbuo ng mga batas at pampublikong polisiya sa pamamagitan ng malawakang legislative consultation at oversight initiative na isinagawa sa Isabela State University-Echague, Amphitheater, ngayong araw, Hulyo 31.
Dinaluhan ang programa ng mga mambabatas, opisyal ng unibersidad, kinatawan ng iba’t ibang national government agencies, lokal na opisyal at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, layunin ng “Bawat Batas Mahalaga” legislative initiative na ilapit ang Kongreso sa mamamayan upang maging mas bukas, mas tumutugon at mas nakabatay sa aktuwal na pangangailangan ng publiko ang proseso ng paggawa ng batas.
Sa ilalim ng programa, magsasagawa ng mga town hall meeting, legislative discussion at focus group discussion upang mabigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor na ihayag ang kanilang mga pananaw, rekomendasyon at mungkahi hinggil sa mga panukalang batas at iba pang usaping may direktang epekto sa kanilang pamumuhay.
Bukod sa pangangalap ng opinyon hinggil sa mga nakabinbing panukalang batas, magsisilbi rin ang programa bilang mekanismo ng House of Representatives upang masuri ang implementasyon ng mga umiiral na batas at programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng congressional oversight activities.
Sinabi ni Speaker Dy na nabuo ang ideya ng programa mula sa kanyang karanasan bilang dating gobernador ng Isabela, kung saan regular niyang nililibot ang 36 na munisipalidad ng lalawigan sa pamamagitan ng farmers’ congress upang personal na mapakinggan ang hinaing at pangangailangan ng mga mamamayan.
Ayon sa House Speaker, napatunayan niyang mas nagiging epektibo ang pamamahala at pagbuo ng mga programa kapag ang mga impormasyon at rekomendasyon ay nagmumula mismo sa mga komunidad at nagsisilbing batayan sa paggawa ng desisyon.
Lalo aniyang nakita ang kahalagahan ng malawakang konsultasyon sa mga naging talakayan hinggil sa panukalang Anti-Political Dynasty Law at mga usapin kaugnay ng Rice Tariffication Law, kung saan mahalagang marinig ang pananaw ng iba’t ibang sektor bago bumuo ng mga polisiyang may malawak na epekto sa buhay ng mga Pilipino.
Samantala, bahagi rin ng inilunsad na programa ang pagbibigay ng libreng serbisyo ng iba’t ibang partner agencies na lumahok sa aktibidad. Kabilang dito ang mga serbisyo at assistance na inilapit sa mga estudyante at iba pang dumalo sa naturang programa.
Inaasahan ding iikot ang mga kinatawan ng House of Representatives sa mga booth at service areas upang masuri ang mga serbisyong hatid ng iba’t ibang ahensiya, kasabay ng pagpapatuloy ng mga talakayan at konsultasyon sa publiko.











