CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng author ng panukalang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act ang pagtanggal na ng United Nations (UN) sa Marijuana sa listahan ng mga mapanganib na droga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Congressman Antonio Albano ng unang distrito ng Isabela at author ng panukalang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act na nagagalak siya sa naging desisyon ng UNs dahil malaki ang maitutulong ng Marijuana bilang gamot sa mga malalalang sakit tulad ng cancer, Alzheimer’s disease at epilepsy.
Dahil dito, sisikapin nila sa mababang kapulungan ng kongreso na ipasa ito agad sa unang bahagi ng taong 2021 para magamit na bilang gamot.
Umaasa siya na ipapasa na ito sa senado at magbago ng pasya ang ilang senador na tumutol noon sa panukakang batas dahil ikinukunsidera ng UN na mapanganib sa kalusugan ng tao ang Marijuana.
Tiniyak ng mambabatas na tutukan nila ito kapag naging batas para hindi maabuso.
Ayon pa kay Congressman Albano, kapag naaprubahan na ang panukala niyang batas ay pili lamang ang mga manggagamot na papayagang magreseta at dapat ay ma-diagnose muna ang pasyente.
Siniguro din niya na abot lamang ang magiging presyo nito at ilalagay din sa Philhealth para magamit ng mga mahihirap na Pilipino.
Aniya, maglalaan lamang ng lugar kung saan magtatanim ng Marijuana para gawing gamot at nang mabantayan ng mga kinaukulan.












