--Ads--

Isang 45-anyos na Emergency Room physician sa Fairborn, Ohio, si Dr. Scott Koncal, ang opisyal na nakapagtala ng bagong Guinness World Record matapos magpasok ng 91 piraso ng palito sa kanyang ilong, na tinalo ang dating record na 81 na itinaguyod ng isang Swedish national noong Agosto 2025.

Bagama’t sanay si Dr. Koncal sa pagtanggal ng mga bagay na aksidenteng naipasok sa katawan ng mga pasyente, noong Disyembre 2025, siya mismo ang nagpasok ng mga palito sa kanyang ilong upang makuha ang matagal na niyang pangarap na rekord.

Tumagal ng 15 minuto ang proseso, na sinaksihan ng mga katrabaho niyang nurse at medical student.

Ayon sa doktor, hindi kailangang ipasok nang malalim ang mga palito, dahil unti-unting nababanat ang butas ng ilong kaya mas maraming palito ang nadadagdag. Ligtas na nailabas ni Dr. Koncal ang lahat ng 91 palito matapos ang hamon. Gayunpaman, nagbigay ng babala ang Guinness at si Dr. Koncal na hindi ito dapat gawing eksperimento ng publiko nang walang tamang pag-iingat.

--Ads--