Naitala ng Pilipinas ang ikatlong pinakamabilis na paglago sa intangible investments sa buong mundo, ayon sa ulat ng World Intellectual Property Organization (WIPO), na nagpapakita ng lumalakas na pamumuhunan ng bansa sa kaalaman, teknolohiya at intellectual property.
Batay sa World Intangible Investment Highlights 2026, nakapagtala ang Pilipinas ng 4.6 % paglago sa intangible investments mula 2021 hanggang 2022, kasunod ng India na may 7.9 % at Japan na may 4.8 %. Ito rin ang unang pagkakataon na naisama ang bansa sa naturang ulat na sumaklaw sa 29 ekonomiya.
Mula 2012 hanggang 2022, lumago ng 3.9 % kada taon ang real intangible investments ng Pilipinas, mas mataas kaysa sa pandaigdigang average na 3.5 %. Umabot naman sa $49.1 bilyon ang halaga ng intangible investments ng bansa noong 2022.
Kabilang sa mga intangible assets ang research and development, software, data, brands, disenyo, organizational knowledge at iba pang intellectual property. Ayon kay Intellectual Property Office of the Philippines Director General Teodoro Pascua, mahalagang palakasin pa ang mga investment sa kaalaman, teknolohiya at innovation upang mapanatili ang pagiging kompetitibo ng bansa bilang isang upper-middle income economy.





