--Ads--

Nakatanggap ang Pilipinas ng humigit-kumulang P1.8 bilyong grant mula sa Australia upang pondohan ang mga programang layuning mapabuti ang ease of doing business sa bansa at masuportahan ang small and medium-sized enterprises (SMEs).

Ayon sa Department of Finance, ang nasabing pondo na nagkakahalaga ng Australian $45 milyon ay ipatutupad sa ilalim ng programang Promoting Growth, Resilience, Economic Stability and Sustainability in the Philippines o “Progress,” isang pangunahing inisyatiba ng pamahalaan ng Australia.

Layunin ng programang Progress na tulungan ang bansa na malampasan ang mga hadlang sa paglago ng ekonomiya, kabilang ang mabagal na paglikha ng pormal na trabaho, hindi pantay na kita, at mga balakid na kinakaharap ng kababaihan, persons with disabilities, at iba pang marginalized sectors.

Tutugunan din ng programa ang epekto ng pandaigdigan at rehiyonal na kawalang katiyakan, gayundin ang pagiging bulnerable ng bansa sa mga sakunang dulot ng climate change.

--Ads--

Gagamitin ang grant upang suportahan ang pamumuhunan sa clean energy, climate change mitigation, at iba pang sektor na makatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya.

Isasakatuparan ang implementasyon ng programang Progress sa pamamagitan ng isang implementing managing contractor (IMC), ayon pa sa DOF.