--Ads--

Itinuturing ng Global Witness na pinakamapanganib na bansa sa Asia para sa mga environmental defender ang Pilipinas matapos maitala ang 12 pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan noong 2025.

Batay sa pinakahuling ulat ng international investigative organization, kapantay ng Honduras ang Pilipinas sa 12 naitalang pagkamatay, na pinakamataas na bilang sa labas ng Latin America.

Sa mga biktima sa Pilipinas, anim ang Indigenous Peoples, tatlong small-scale farmers, isang mamamahayag at dalawa pang environmental defender.

Ayon sa Global Witness, lima sa mga insidente ay may hinihinalang pagkakasangkot ng Philippine military, habang iniuugnay naman nito ang ilan sa mga pagpatay sa counter-insurgency programs at extractive projects.

--Ads--

Kabilang sa binanggit ng grupo ang kaso ng 65-anyos na magsasakang si Veronico Anterio, na umano’y binaril matapos magsalita laban sa lumalawak na presensya ng militar sa Samar.

Sinabi rin ng Global Witness na nakararanas ang ilang environmental defender ng criminalization at red-tagging, o pagbibintang na konektado sa mga komunista o terorista.

Samantala, nanawagan ang environmental group na Kalikasan People’s Network for the Environment ng pananagutan sa mga pag-atake at hiniling sa pamahalaan na itigil ang paggamit ng state forces at mga kasong kriminal laban sa mapayapang pagtutol.

Mula 2012 hanggang 2025, nakapagtala ang Global Witness ng kabuuang 2,375 pagpatay at long-term disappearances ng land at environmental defenders sa buong mundo. Gayunman, binigyang-diin ng grupo na maaaring mas mataas pa ang aktuwal na bilang dahil sa mga kasong hindi naitatala o hindi nabeberipika.

Sa Pilipinas, 12 kaso ang naitala noong 2025, dahilan upang manguna ang bansa sa bilang ng mga napatay na environmental defender sa labas ng Latin America.

Via: ANDREW RONQUILLO

Source: Collective power: The struggle for protection for land and environmental defenders | Global Witness