Maaaring mapilitan ang mga Pilipino na baguhin ang kanilang lifestyle sakaling umabot sa $200 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Sa isang panayam, sinabi ni Garin na hindi na malayong mangyari ang naturang senaryo lalo na’t tatlong linggo na ang tensyon sa Gitnang Silangan na patuloy na nakaaapekto sa suplay ng langis.
Ayon sa kalihim, kinakailangan nang bawasan ang pagdepende sa fuel at isulong ang paggamit ng alternatibong enerhiya tulad ng electric vehicles.
“We have to change our lifestyle,” ani Garin, na nagsabing siya mismo ay gumagamit na ng electric vehicle mula nang magsimula ang sigalot noong Pebrero 28 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Binigyang-diin din niya na posibleng maging hindi tiyak ang suplay ng langis sa bansa sa mga susunod na buwan, lalo na kung magpapatuloy ang pagharang ng Iran sa Strait of Hormuz—isang mahalagang daanan kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.
“Worst case really is we won’t have enough, or we won’t have any,” babala ng kalihim, kasabay ng pagtiyak na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang hindi maubusan ng suplay ang bansa.
Dahil dito, hinikayat ni Garin ang publiko na magtipid sa paggamit ng enerhiya, kahit aniya ay nananatiling sapat ang suplay ng langis hanggang katapusan ng Abril.
Kabilang sa kanyang mga mungkahi ang pag-iwas sa hindi kinakailangang paggamit ng sasakyan, carpooling, at work-from-home arrangements. Pinayuhan din niya ang publiko na limitahan ang paglabas kung hindi naman kinakailangan.
Batay sa datos, umabot na sa 486,600 bariles kada araw ang konsumo ng langis ng Pilipinas noong 2024—antas na kapantay na ng bago ang pandemya—at patuloy pang tumataas taun-taon.
Samantala, ilang bansa sa Asya ang nagsimula nang magpatupad ng hakbang upang mabawasan ang konsumo ng enerhiya, kabilang ang pagkansela ng klase at pagrasyon ng suplay ng fuel.
Naglabas na rin ng rekomendasyon ang International Energy Agency kung saan kabilang ang pagpapalawak ng work-from-home setup, paggamit ng pampublikong transportasyon, at paglipat sa electric appliances upang mabawasan ang demand sa enerhiya.
Sa ngayon, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang posibleng epekto nito sa ekonomiya ng bansa.





