--Ads--

Kinumpirma ng Department of Foreign ­Affairs (DFA) nitong ­Martes na isa pang Pinay ang nasawi sa isang missile attack sa Haifa, Israel nitong Linggo.

Ito na ang ikalawang naitalang pagkamatay ng isang Pinoy sa gitna nang nagaganap na tensiyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa DFA, gabi ng Abril 5 nang maganap ang missile attack na ikinasawi ng ‘di pa pina­ngalanang Pinay, kasama ang kanyang mister na isang Israeli at kanyang mga biyenan.

Nagpaabot din ang DFA ng taos-pusong pakikidalamhati sa pagpanaw ng Pinay at pamilya nito.

--Ads--

Tiniyak din nilang naimpormahan na nila ang mga kaanak ng Pinay dito sa Pilipinas hinggil sa nangyari sa kanya at siniguro pagkakalooban sila ng mga kinakailangang tulong.

Inaasikaso na rin umano ng PhilippineEmbassy sa Tel Aviv ang agarang pagpapauwi sa mga labi ng Pinay dito sa Pilipinas.

Humiling ang pamilya ng biktima ng privacy para makapagluksa.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng Pinay na nasawi.

Ayon sa Pangulo, inatasan na niya ang mga kaukulang ahensiya na tiyaking maibibigay ang buong tulong sa pamilya, kabilang ang agarang pagpapauwi sa labi ng biktima, habang nakaan­tabay ang Embahada para sa lahat ng kina­kailangang assistance.

Tiniyak din ng Pangu­lo na patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa rehiyon, kasabay ng pagbibigay-diin na nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa abroad.