CAUAYAN CITY – Kakausapin ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang domestic helper na umano’y minaltrato ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakauwi na ang domestic helper at nakatakdang magpunta ngayong araw sa opisina ni Kalihim Bello.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Secretary Bello, sinabi niya na hindi pa opisyal ang report na dumating sa kanya kaya hihintayin niyang dumating ang domestic helper sa kanyang opsina para personal na makausap at matanong sa totoong nangyari sa kanya.
Ayon kay Atty. Bello, hindi klaro ang video na ipinakita sa media kaya pagkatapos na lamang ng kanyang pakikipag-usap sa domestic helper ang pagbibigay niya ng reaksiyon.
Sinabi pa ni Kalihim Bello na hindi pa niya nakausap si Ambassador Mauro.











