Ligtas ang mga Filipino crew members na sakay ng dalawang barko na inatake sa Persian Gulf malapit sa Strait of Hormuz, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW). Tatlong barko ang iniulat na tinamaan ng projectiles sa nakalipas na 48 oras, ngunit dalawa lamang ang may sakay na Filipino crew.
Ang mga Pinoy crew, na binubuo ng 21 at 17 katao, ay ligtas at kasalukuyang dinadala sa mas ligtas na pantalan. Ang pangatlong barko, na Thai flagship, ay walang Filipino crew.
Patuloy na minomonitor ng DMW ang kalagayan ng mga Filipino seafarers sa Middle East, kung saan nasa 7,313 ang kasalukuyang naka-deploy at nasa ligtas na kondisyon.
Nanawagan ang ahensya sa mga ship owners at manning agencies na protektahan ang mga seafarers, igalang ang kanilang karapatan na tumanggi sa deployment sa mapanganib na lugar, at bigyan ng karampatang sahod at repatriation ang mga tumanggi.
Ang polisiya ay alinsunod sa international maritime labor arrangements, na nagbibigay proteksyon sa mga Filipino seafarers laban sa panganib habang nasa dagat.











