CAUAYAN CITY– Nag-ambag-ambag ang mga miyembro ng Pinoy Teachers Association (PTA) sa Hubei, Wuhan City, China para sa mga biktima ng bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Jesus Conte, President ng PTA na nakabase sa Hubei, Wuhan City, China na agad silang nag-organisa ng donation drive nang mabalitaan ang nangyari sa Pilipinas na dulot ng bagyong Ulysses.
Aniya, nagtulung-tulong silang lahat para mapabilis ang pangangalap ng donasyon.
Napagdesisyunan nilang iparating ang tulong sa pamamagitan ng Bombo Radyo Phils. dahil alam nilang malawak ang sakop nito at alam din nila ang mga ginagawang pagtulong ng himpilan lalo na kapag may sakuna.
Kaugnay nito ay pinasalamatan niya si Ginang Chai Roxas, correspondent ng Bombo Radyo Cauayan sa Wuhan City, China dahil sa pagmungkahi sa Bombo Radyo na maging tulay para maiparating ang kanilang ibibigay na tulong sa mga biktima ng bagyo.
Bukod dito ay nagpasalamat din siya sa Bombo Radyo Cauayan dahil sa pagpayag na maging recipient nila sa ipapamigay na tulong.
Hinikayat niya ang mga Pilipino na maging matatag para malabanan ang mga dumarating na sakuna.
Ayon kay Ginoong Conte, isa sa dahilan kung bakit gusto rin nilang tumulong ay para maibalik ang tulong na kanilang natanggap nang malockdown sila dahil sa COVID-19.
Ang Pinoy Teachers Association ay isang malaking grupo ng mga guro sa ilalim ng hurisdiksyon ng Philippine Consulate sa Shanghai, China.





