CAUAYAN CITY – Ikinagulat ng District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Isabela Third District Engineering Office ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa korapsyon sa ahensiya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Editha Babaran, District Engineer ng DPWH Isabela Third District Engineering Office, sinabi niya na natawa lamang siya ng marinig ang kanyang pangalan sa mga binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa korapsyon.
Hindi aniya mabigat sa kanyang damdamin na mapabilang ang kanyang pangalan sa listahan dahil malinis ang kanyang konsensya at hindi siya nasasangkot sa anumang uri ng korapsiyon.
Kung tutuusin ay walang hurisdiksyon ang binanggit ng pangulo na kongresista na si Congresswoman Sheena Tan sa Isabela Third District Engineering Office at wala ring proyekto ang mambabatas sa kanyang nasasakupan.
Kagaya aniya ng pahayag ng pangulo ay hindi pa naman napapatunayan kung tunay na sangkot sa korapsyon ang mga binanggit nito at kailangan pa ng mas malalimang pagsisiyasat.
Kaugnay nito ay magtutungo si Engr. Babaran sa kalakhang Maynila pangunahin na sa kanilang central office upang ipaliwanag na hindi siya sangkot sa iligal na gawain.
Maging ang mga kawani sa DPWH Isabela Third District Engineering Office ay hindi rin sila naniniwala na sangkot sa iligal na gawain ang kanilang district engineer.
Ayon sa kanila, mga normal na proseso ang kanilang ginagawa at bukas lahat ang biddings maging ang iba pang aktibidad ng tanggapan.
Maaari umanong nagkamali lamang ang pangulo sa pagkakadawit ng pangalan ng district engineer ng DPWH Isabela Third District Engineering Office.
Bagamat matatagpuan sa Cauayan City na sakop ng 6th district ng Isabela ang DPWH Isabela Third District Engineering Office ay tanging ang mga bayan ng San Mariano, Naguilian, San Mateo at Ramon ang sakop nito na hindi sakop ni Congresswoman Sheena Tan.











