Suportado ng grupong PISTON ang mga isasagawang tigil-pasada ng iba’t ibang transport group bilang protesta sa patuloy na pag-taas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa Setyembre 14-15 ay nakatakdang magsagawa ng dalawang araw na transport strike ang transport group na Manibela bilang pagkondena sa hindi umano sapat ang mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng oil price hikes sa mga tsuper at commuter.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON President Mody Floranda, sinabi nito na sa ngayon ay naghahanda ang kanilang grupo para sa mas malaking pagkilos laban sa oil dregulation law, excise tax, na nakadaragdag sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sasama sa naturang welga ang iba’t ibang transport coalition at grupo ng mga commuters.
Aniya, matagal na nilang panawagan ang naturang mga isyu subalit hanggang ngayon ay wala pa ring maayos na tugon ang pamahalaan.
Batay umano sa pahayag ng Department of Energy, mayroong suplay 50-60 araw na suplay ng petrolyo ang Pilipinas kaya iginiit ni Floranda na kung sakali mang magkaroon ng paggalaw sa presyo sa international market ay hindi dapat ito agad-agad na nagbabago ang presyo sa bansa.
Bagama’t sinasabi ng Gobyerno na ang agarang pagtaas ay bahagi ng replemishment cost, binigyang-diin niya na ang lingguhang paggalaw ng presyo ay paglabag sa Karapatan ng mga transport drivers at operators.










