Hindi na itutuloy ng world football governing body na FIFA ang plano nitong ibenta ang bahagi ng negosyo nito sa mga pribadong investors matapos itong salubungin ng matinding pagtutol mula sa ilang miyembrong football associations.
Layunin sana ng FIFA na makalikom ng hanggang $4.2 bilyon sa pamamagitan ng pagbebenta ng humigit-kumulang 20% na bahagi sa isang bagong unit na mamamahala sa mga pangunahing torneo nito, kabilang ang FIFA World Cup. Sa ilalim ng plano, tinatayang aabot sa $20 bilyon ang halaga ng naturang negosyo.
Mariing tinutulan ng UEFA ang panukala at nagbanta pa itong i-boycott ang FIFA. Inakusahan din ng UEFA ang organisasyon na nilalagay sa panganib ang “soul” ng football sa pamamagitan ng pagbubukas nito sa mga pribadong mamumuhunan.
Sa isang pahayag, sinabi ni FIFA President Gianni Infantino na matapos nilang pakinggan ang iba’t ibang panig, naging malinaw na nagdulot ng pagkawatak-watak ang proyekto at hindi na ito naaayon sa layunin nitong pag-isahin at paunlarin ang sport.
Dahil dito, inanunsyo ni Infantino na hindi na itutuloy ang naturang panukala.
Bago ang desisyong ito, agad ding nagbitiw sa puwesto si Carlos Cordeiro, senior adviser ni Infantino, at tinawag ang plano bilang “a bad deal for football.”
Samantala, sinabi naman ni FIFA Chief Operating Officer Kevin Lamour na nalinlang umano ang mga empleyado ng organisasyon at inilarawan ang panukala bilang proyekto lamang ng isang tao.
Nakiisa rin sa mga kritiko si British politician Andy Burnham, na nagsabing si Infantino ay hindi angkop na mamuno sa FIFA sa gitna ng kontrobersiya.











