--Ads--

Nagbabala ang Public Order and Safety Division o POSD ng Cauayan City sa mga tricycle driver laban sa paggamit ng play money bilang panukli sa mga pasahero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niyang wala pa silang naitatalang tricycle driver na aktuwal na nahuli dahil sa paggamit o pagpapambarya ng play money.

Gayunman, pinaalalahanan ni Mallillin ang mga driver na huwag subukan ang ganitong gawain dahil maaari silang maharap sa kaukulang aksyon kapag napatunayang gumamit ng pekeng pera sa isang transaksyon.

Hinimok din niya ang mga mananakay na agad i-report sa POSD, traffic enforcers o barangay officials ang anumang kahina-hinalang transaksyon upang ma-verify at maimbestigahan.

--Ads--

Samantala, naging usap-usapan sa social media ang post ng isang netizen na nagsabing umano’y nabiktima ng ganitong modus ang kaniyang katrabaho.

Ayon sa post, isang pasahero umano ang nag-arkila ng tricycle mula Marabulig, Cauayan City ngunit ibinaba sa madilim na lugar bago magbayad, kung saan umano’y ₱500 play money ang ginamit bilang panukli.

Wala pang kumpirmasyon mula sa mga awtoridad sa naturang alegasyon at hindi rin malinaw kung pormal na itong nai-report sa pulisya o POSD.

Paalala ni Mallillin sa mga mananakay na tandaan, kung maaari, ang plate number at iba pang detalye ng tricycle upang makatulong sa beripikasyon at imbestigasyon sakaling makaranas ng kahina-hinalang insidente.