--Ads--

Pormal ng binuksan sa publiko ang Banchetto sa City hall grounds ng Cauayan City, Isabela bilang bahagi ng taunang patronal fiesta ng Our Lady of the Pillar Parish Church mula October 1 hanggang October 18.

Sa unang gabi ng Banchetto ay dagsaan na ang mga residenteng gustong tumikim ng iba’t ibang putahe na inilalako sa lugar.

Naging abala naman ang Public Order and Safety Division o POSD at Cauayan City Police Station para bantayan ang seguridad sa poblacion area.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguninang Panlunsod Member Paolo Eleazar Delmendo, sinabi niya na bukas ang Banchetto para sa lahat kung saan tinatayang nasa higit 90 tenants ang nakilahok.  

--Ads--

Hinihiling naman ang pakikiisa ng mga motorista para sa pagsasara ng Baligod street at Canciller Avenue-San Mariano Street para bigyang daan ang maayos na pagtatayo ng stall sa Banchetto grounds,mananatili namang bukas at magsisislbing alternatibong ruta ang Albano Street maliban dito may naitalaga naring parking space para sa mga magtutungo sa lugar na may dalang sasakyan partikular sa harap ng simbahan at lampas ng Cauayan City Hall.

Ang mga stall sa Banchetto ay bukas mula alas 6 ng gabi hanggang las 12 ng madaling araw.

Samantala, buong pwersa na nagbantay ang Cauayan City Police Station para sa pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan sa pagbubukas ng Banchetto Cauayan kagabi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Christian Mendoza Felix, inihayag nito na nagdeploy sila ng labinlimang (15) personnel simula alas-siyete ng gabi upang magbantay sa buong paligid ng isinagawang aktibidad.

Bukod sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mismong Banchetto, binigyang-diin ni PMAJ. Felix na ipinagpatuloy pa rin nila ang mahigpit na monitoring laban sa mga motoristang lumalabag sa batas trapiko, kabilang ang mga hindi nagsusuot ng helmet at ang mga nagtatangkang magdala ng mga ipinagbabawal o hindi angkop na gamit sa lugar.

Tiniyak ng kapulisan ang tuloy-tuloy na pagbabantay hanggang sa ligtas na makauwi ang mga residenteng bumisita sa naturang pasyalan.

Samantala, nag-iwan din ng paalala ang opisyal sa publiko na manatiling alerto at maingat upang maiwasang mabiktima ng mga kriminal, lalo na ng pagnanakaw at iba pang krimen na karaniwang nangyayari sa mga mataong lugar.