CAUAYAN CITY – Pinag-iingat ng PNP Highway Patrol Group (HPG) Isabela ang mga bumibili ng sasakyan at motorsiklo sa online selling.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Rey Sales, Provincial Officer ng HPG Isabela na ilang sasakyan na ang kanilang nakita sa online selling at kung titignan ang plate number ay hindi naman sa kanya o kung minsan ay nakakaalarma.
Aniya, mayroon silang cyber patrolling at malaking tulong ito sa kanila para makita kung legal o ninakaw ang mga ibinebenta online
Noong nakaraang taon ay nasa apat ang kanilang nakuha na sasakyan sa tulong ng social media at karamihan ay mga bagong sasakyan.
Ayon kay Maj. Sales, kapag nakuha ang isang sasakyan sa operasyon at napatunayang ito ay carnap, mananagot ang nakabili sa paglabag sa Anti-Ffencing Law kapag nakapagpakita siya ng pruweba na nabili niya ito.
Puwede rin siyang sampahan ng paglabag sa Anti-Carnapping Law depende sa takbo ng kanilang imbestigasyon.
Bukod sa bumili ay puwede ring sampahan ng carnapping ang kanyang pinagbilhan.
Kaugnay nito, noong Disyembre 2020 ay inorganisa ng PNP-HPG Isabela ang grupo ng riders club sa buong Isabela at bawat club ay dadaan sa seminar para maging katuwang nila sa pagbabantay sa mga lansangan.











