--Ads--

Nagkaloob ang Provincial Government of Isabela ng mga handheld radio na may Push-to-Talk Over Cellular (PoC) technology at suplay ng bala para sa PNP-Isabela Special Motorcycle Action and Response Team (PNP-iSMART).

Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Public Safety Officer Kim Patrick Agbayani, sinabi niyang mahalaga ang pagkakaroon ng maaasahang communication equipment upang mapabilis ang koordinasyon ng mga pulis, lalo na sa panahon ng mga emergency at operasyon.

Isinagawa ang turnover ceremony sa Isabela Emergency Operations Center sa Lungsod ng Ilagan. Pinangunahan ito nina Provincial Administrator Atty. Christopher Mamauag at Agbayani.

--Ads--

Ayon kay Agbayani, makatutulong ang mga bagong kagamitan upang mapahusay ang komunikasyon, mapalakas ang kahandaan sa operasyon, at mapabilis ang pagtugon sa mga komunidad.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng wastong paggamit at pangangalaga sa mga kagamitan upang matiyak na magagamit ang mga ito nang epektibo.

Samantala, nagpasalamat si PCOL Bringas sa pamahalaang panlalawigan para sa patuloy nitong suporta sa kapulisan. Aniya, malaking tulong ang mga bagong kagamitan upang higit pang mapahusay ang kanilang serbisyo sa publiko.

Matapos ang turnover ceremony, sumailalim sa technical orientation ang mga miyembro ng PNP-iSMART para sa tamang paggamit ng mga handheld radio. Pinangasiwaan ito ng Public Safety Office.

Layunin ng programa na higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga kapulisan sa pagpapatupad ng batas at mabilis na pagtugon sa mga insidente at iba pang emerhensiya.