Nagsagawa ng operasyon ang Philippine National Police (PNP) sa isang poultry farm sa Barangay Pugol, Lamut, Ifugao nitong Linggo, upang arestuhin ang dating Bureau of Corrections (BuCor) chief na si Gerald Bantag.
Ayon sa PNP, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago umano si Bantag sa naturang lugar at nagpapanggap na isang poultry worker. Gayunman, hindi ito natagpuan ng mga pulis sa isinagawang operasyon.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad si Bantag kaugnay ng kasong may kinalaman sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa noong 2022.
Noong Abril 2023, naglabas ng arrest warrant ang Muntinlupa Regional Trial Court laban kay Bantag kaugnay naman ng pagkamatay ni Jun Villamor, na umano’y middleman sa pagpatay kay Lapid. Itinanggi ni Bantag ang mga paratang laban sa kaniya.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., magpapatuloy ang pagtugis kay Bantag at sa iba pang wanted personalities. Hinimok din ng PNP ang publiko na magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan nito.











