Mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang operasyon sa Albay dahil sa patuloy na aktibidad ng Mayon Volcano na nagdudulot ng banta sa mga kalapit na komunidad.
Nag-deploy ang Police Regional Office 5 ng mga tauhan para tumulong sa pag-aayos ng trapiko sa mga pangunahing kalsada upang mapabilis ang pagresponde ng mga emergency team. Kasabay nito, nagpatupad din ng mas mahigpit na checkpoints at pinalakas na police visibility upang mapigilan ang pagpasok sa mga ipinagbabawal na lugar at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.
Tumutulong din ang PNP sa pamamahagi ng face mask at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa proteksyon laban sa ashfall at iba pang panganib na dulot ng pagputok ng bulkan.
Patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, Office of Civil Defense, at iba pang ahensya para sa evacuation, rescue, at relief efforts. Aktibo rin ang KASUROG Disaster Emergency Assistance Response (D.E.A.R.) Team sa pagbibigay ng mabilis na tulong sa mga apektadong residente.
Tiniyak ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mananatili ang presensya ng kapulisan sa mga lugar tulad ng Camalig, Guinobatan, at Ligao City upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan.Ayon sa PNP, ang pangunahing layunin nila ay protektahan ang publiko, kaya patuloy nilang hinihikayat ang mga residente na sumunod sa mga abiso ng awtoridad, umiwas sa danger zones, at manatiling alerto sa mga opisyal na anunsyo lalo na sa panahon ng ashfall.











