--Ads--

Mas lalo pang tumindi ang effusive eruption ng Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras, na nagdulot ng daan-daang rockfall events at ilang pyroclastic density currents (PDCs), ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Linggo, Mayo 17.

Nanatili sa Alert Level 3 ang babala ng PHIVOLCS, kung saan binigyang-diin na ang magma ay nasa o malapit sa bunganga ng bulkan at posible pa rin ang mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang linggo.

Sa pinakahuling bulletin, naitala ang 351 rockfall events at limang PDCs, na kilala rin bilang “uson.”

Nakapagtala rin ang monitoring teams ng 23 volcanic earthquakes at 15 volcanic tremors na tumagal ng hanggang 21 minuto.

--Ads--

Patuloy din ang pag-agos ng lava mula sa tuktok ng bulkan, na umabot na sa ilang kilometrong layo patungo sa Basud, Bonga, at Mi-isi gullies.

Bagama’t bumaba sa 908 tons ang sulfur dioxide emission nitong Sabado mula sa 1,482 tons noong nakaraang araw, nananatili pa ring nasa antas ng “relatively high unrest” ang aktibidad ng bulkan.

Mahigpit na ipinapatupad ang anim-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) kung saan ipinagbabawal ang pagpasok dahil sa banta ng “uson,” pagdaloy ng lava, at rockfall.

Sa ilalim ng Alert Level 3, maaari pang palawakin ang danger zone hanggang walong kilometro sa mga sektor na may mababang bahagi ng crater rim, ayon sa mga awtoridad.

Nakikipag-ugnayan ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa mga lokal na pamahalaan upang tiyakin ang maayos na pagtugon sa sitwasyon at pagpapatupad ng “zero casualty” goal ng probinsya.

Pinapayuhan ang mga residente na makinig sa mga anunsyo sa radyo at telebisyon at sumunod sa abiso ng mga opisyal ng barangay para sa posibleng preemptive evacuation.