--Ads--

CAUAYAN CITY- Inaresto ng mga kapulisan ang suspek sa pamamaril sa isang lalaki sa Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela.

Ang suspek ay si Domingo Baraquio, kapitbahay ng biktima at residente ng Brgy. Minanga, San Mariano, Isabela.

Matatandaang nasawi si Reynaldo Alfante na residente ng Barangay Minanga, San Mariano Isabela matapos siyang tambangan at barilin habang lulan ng kanyang tricycle.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Francis Pattad, Chief of Police ng San Mariano Police Station kanyang sinabi na paghihiganti ang dahilan ng suspek.

--Ads--

Umamin umano ang suspek sa kanyang ginawang krimen at nakuha sa kanyang pag-iingat ang  kalibre kwarenta’y singkong baril na ginamit nito sa pagbaril-patay sa biktima.

Aniya binubugbog di umano ng nasawing biktima ang suspek kasama ang iba pa sa tuwing nalalasing ang mga ito.

Samantala, ayon naman kay Juvy Alfante anak ng nasawi, kanyang sinabi na walang katotohanan ang paratang ng suspek na binubugbog siya ng kanyang ama.

Aniya posibleng may sama umano ng loob ang suspek sa kanyang ama dahil sa isang pangyayari noon at dinamdam ito ng suspek kaya nito isinagawa ang pamamaril.