Humingi ng paumanhin ang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa mga pambansang atleta matapos ilabas ni Alas Pilipinas men’s team captain Bryan Bagunas ang kanyang pagkadismaya sa umano’y kakulangan ng suporta sa koponan bago ang 2026 Asian Games sa Japan.
Sa isang panayam, sinabi ni Bagunas na kinapos ang ilang manlalaro sa pamasahe at pagkain kaya napilitan ang ilan na manghiram ng pera sa kanilang mga kasamahan para makadalo sa training.
Ayon sa PNVF, nauunawaan nito ang naging sakripisyo ng mga atleta at kinilala na hindi dapat sila napipilitang gumastos mula sa sariling bulsa o mangutang para lamang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ipinaliwanag ng PNVF na nang maupo si president Frank Lao noong Agosto, minana nito ang malaking halaga ng mga hindi pa nababayarang obligasyon ng federation. Kasalukuyan nang isinasagawa ang pagsusuri sa kanilang financial records.
Sinabi rin ng PNVF na personal na nag-abono si Lao para sa ilang agarang pangangailangan ng national teams, kabilang ang allowances, ticket at visa requirements ng ilang manlalaro.
Gayunman, aminado ang federation na hindi pa sapat ang mga hakbang na ito.
Nangako ang PNVF na aayusin ang kanilang financial system, palalakasin ang accountability at bibigyang-prayoridad ang pangangailangan ng mga national athlete upang maibalik ang kanilang tiwala.











