Nabawasan ang pondong inilaan sa dalawang flagship program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng proposed 2027 National Expenditure Program.
Para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, P99.1 bilyon lamang ang inilaan para sa susunod na taon na sasaklaw sa 3.5 milyong pamilya. Mas mababa ito sa P112.9 bilyong pondo ngayong 2026 para sa 4.4 milyong pamilya.
Samantala, nanawagan si DSWD Secretary Rex Gatchalian na palawakin ang depinisyon ng near-poor families upang maisama ang mga pamilyang kumikita ng hanggang 25 porsiyento lampas sa poverty threshold.
Nabawasan din ang pondo para sa social pension ng indigent senior citizens, habang malaki rin ang ibinaba ng budget para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, mula P63.9 bilyon ngayong taon sa P33 bilyon sa ilalim ng proposed 2027 budget.
Nagpahayag naman ng pangamba ang ilang mambabatas na maaaring gamitin sa pulitika ang pondo ng AICS. Ayon sa DSWD, dumaraan sa pagsusuri at vetting process ng mga social worker ang bawat aplikasyon upang matiyak na mapupunta ang ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo.











