Nagpaalala ang Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City sa mga motorista na maging responsable sa paggamit ng mga kalsada kasunod ng malagim na aksidenteng naganap sa Barangay Minante 2, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, iginiit nitong malaking factor sa mga aksidente ang human error, partikular na ang pagmamaneho nang nakainom, puyat o pagod. Aniya, kung kinakailangang bumiyahe ngunit hindi nasa maayos na kondisyon ang driver, mas mabuting magpahinga muna upang maiwasan ang disgrasya.
Paalala rin ni Mallillin sa mga magulang na bantayan at alamin ang galaw ng kanilang mga anak, lalo na sa mga oras ng gabi, upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Samantala, sinabi niyang mahigpit ang POSD sa mga sasakyang iligal na nagpaparada sa mga national highway.
Gayunman, may konsiderasyon umano sa mga malalaking trailer truck na naghahatid ng mga pangunahing produkto gaya ng bigas at palay, basta’t maayos na nakaparada sa mga itinalagang lugar at hindi nakahahadlang sa daloy ng trapiko.
Binigyang-diin ni Mallillin na nalagyan na rin ng streetlights ang mga bahagi ng national highway sa lungsod kaya mahalaga umanong maging responsable ang bawat motorista.
Aniya, sa kabila ng maayos na kondisyon ng kalsada at sapat na ilaw, dapat pa ring pairalin ang pag-iingat upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring mauwi sa pagkasawi.











