--Ads--

Alerto at abala sa pagbabantay ang mga awtoridad kabilang ang Public Order and Safety Division o POSD sa pagbubukas ng taunang Christmas Village‎.

‎Ito ay matapos magpatupad ng mas mahigpit na pagbabantay ang tanggapan, kasunod ng mga naunang insidente kung saan may mga batang nahuhuling humahawak, naninira at kumukuha umano ng mga bombilya sa mga Christmas decorations.
‎
‎Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, mahigpit na ang kanilang bilin sa mga tauhang nakatalaga sa lugar na huwag hayaang lumapit ang mga batang nakikitang naglalaro o nanghihimasok sa mga ilaw at iba pang bahagi ng dekorasyon.
‎
‎Paliwanag ng opisyal, hindi lamang ang posibleng pagkasira o pagkawala ng mga Christmas lights ang kanilang inaalala, kundi higit sa lahat ang panganib na maaaring idulot ng kuryente sa mga batang makikialam sa mga ito.
‎
‎Dahil dito, inatasan din ang mga security personnel, blue guards at mga pulis na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak na walang sinumang magtatangkang galawin ang mga nakakabit na ilaw.
‎
‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mallillin, sinabi nitong bahagi ito ng mahigpit na tagubilin ng lokal na pamahalaan, partikular ng City Administrator, upang maiwasan ang anumang aksidenteng maaaring mangyari sa mga namamasyal.
‎
‎Sa ngayon, anim na tauhan ng POSD ang nakatalaga sa pagbabantay sa lugar, katuwang ang iba pang security personnel at kapulisan. Tiniyak naman ni Mallillin na nagpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa loob ng dalawampu’t apat na oras sa pamamagitan ng mga grupong naka-duty.
‎
‎Ibinahagi rin ng opisyal na hindi na bago sa kanila ang ganitong sitwasyon, dahil mayroon na umanong mga naunang pagkakataon na nahuhuli ang ilang bata sa paghawak, pagsira at pagkuha ng mga bombilya sa mga dekorasyon.
‎
‎Sa halip na basta lamang sitahin, isinasailalim umano sa intervention ang mga batang nahuhuli, kasama ang kanilang mga magulang at sa tulong ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
‎
‎Kabilang sa mga hakbang ang pagbibigay ng orientation sa mga magulang at pag-alam sa kalagayan ng bata sa paaralan, upang matukoy kung patuloy pa itong nag-aaral o nangangailangan ng karagdagang gabay at suporta.