--Ads--

Kinumpirma ng LPG Marketers Association ang posibleng ₱18 kada kilo na dagdag sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas o LPG ngayong buwan ng Oktubre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LPGMA President Arnel Ty, sinabi nitong ipatutupad ang naturang dagdag-presyo sa tatlong tranche.

Ngayong Sabado, Oktubre 3, ipinatupad ang unang ₱10 kada kilo na dagdag, susundan ng ₱5 sa Oktubre 10 at ₱3 naman sa Oktubre 17.

Kung maipatutupad ang buong increase, aabot sa ₱198 ang dagdag sa presyo ng isang 11-kilogram na LPG tank, kung saan posibleng maglaro na sa ₱1,400 hanggang ₱1,550 ang kabuuang presyo nito.

--Ads--

Ayon kay Ty, naglabas ang Saudi Aramco noong Setyembre 30 ng bagong International Contract Price ng LPG na nagpapakita ng $65 kada metric ton na pagtaas sa presyo ng LPG.

Isa rin umano sa mga dahilan ng pagtaas ang pagsirit ng presyo ng Dubai crude oil na umabot sa $113 kada bariles, gayundin ang pagtaas ng shipping cost na nasa ₱13 kada kilo.

Sinabi ni Ty na ang mga pagtaas na ito ay dulot umano ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Pinangangambahan din ng LPGMA ang naging pahayag ng China na ititigil na nito ang pag-export ng ilang finished petroleum products gaya ng krudo, diesel at gasolina na kabilang sa pinagkukunan ng suplay ng Pilipinas.

Ayon kay Ty, tinatayang 50% ng LPG products sa Pilipinas ay nagmumula sa China.

Dahil dito, plano umanong dagdagan ng Pilipinas ang pagkuha ng suplay mula sa ibang karatig-bansa gaya ng Thailand, Japan, South Korea at Malaysia.

Sa ngayon, mayroon na lamang umanong 20 araw na inventory ng LPG sa bansa kaya kinakailangan nang dagdagan ang suplay upang matiyak ang sapat na supply sa merkado.