Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na maaaring gamitin ang posibleng paglahok ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga sesyon ng Senado sa pamamagitan ng video conferencing upang matukoy ang kaniyang kinaroroonan, sakaling aprubahan ang panukalang amyenda sa mga patakaran ng Mataas na Kapulungan.
Lumabas ang isyu sa gitna ng mainit na talakayan sa pagitan ng majority at minority block ng Senado hinggil sa panukalang payagan ang mga senador na bumoto at makilahok sa mga sesyon sa pamamagitan ng remote o online participation.
Kinuwestiyon ng ilang miyembro ng minorya ang panukala, sa pangambang maaari itong magamit ng mga senador na may kinakaharap na kaso, imbestigasyon, o posibleng warrant of arrest, kabilang si Dela Rosa.
Ayon sa PNP, kahit payagan ang online participation, maaari pa rin itong maging paraan upang matukoy ang lokasyon ng isang indibidwal na kalahok sa teleconferencing.
Binigyang-diin ng PNP na susubukan nilang alamin ang kinaroroonan ng senador sa pamamagitan ng link o anumang teknolohiyang gagamitin sa online session.
Si Dela Rosa ay may kaugnayan sa kasong crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court kaugnay ng mga alegasyon noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.











