Sinimulan ng mga shipping company at government agencies ang pagrepaso sa kanilang safety protocols sa pagdadala ng electric at hybrid vehicles sa mga barko, matapos isama sa mga posibilidad sa imbestigasyon ang pagkakasangkot ng isang electric vehicle sa pagsabog at sunog sa MV June Aster.
Patuloy na tinutukoy ng Philippine Coast Guard ang sanhi ng insidente matapos sabihin ng mga nakaligtas na nakarinig sila ng malakas na pagsabog mula sa cargo deck bago kumalat ang apoy.
Kabilang sa mga tinitingnang anggulo ng Coast Guard ang posibleng terorismo at pagsabog na maaaring may kaugnayan sa electric vehicle na sakay ng barko.
Nasunog ang MV June Aster noong Setyembre 9 habang sakay nito ang isang electric vehicle, limang motorsiklo, forklift, pickup truck at iba pang kargamento.
Gayunman, nilinaw ng mga awtoridad na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at wala pang natutukoy na pinal na sanhi ng insidente.
Samantala, ilang shipping company ang nagpatupad ng paghihigpit sa pagdadala ng EV at hybrid vehicles.
Sa memorandum na inilabas noong Setyembre 16, inanunsyo ng Montenegro Shipping Lines Inc. ang pagbabawal sa electric at hybrid vehicles sa kanilang passenger at cargo vessels sa lahat ng ruta.
Ayon sa kumpanya, precautionary measure ito upang mabawasan ang panganib ng sunog, pagsabog at thermal runaway na maaaring maiugnay sa high-capacity batteries ng mga naturang sasakyan.
Nagpatupad din ng kaparehong restriction ang Island Water sa kanilang mga passenger vessel.
Samantala, sinabi ng Department of Energy o DOE na nakikipag-ugnayan ito sa Maritime Industry Authority o MARINA at iba pang concerned agencies para bumuo ng mas malawak na safety guidelines sa transportasyon ng EVs sa dagat.
Kaugnay nito, nire-review din ng MARINA, kasama ang DOE, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection, ang mga umiiral na safety protocol para sa ligtas na pagdadala ng electric at hybrid vehicles sa mga domestic passenger vessel.











