--Ads--

Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng pamahalaang lungsod ng Cauayan sa galaw ng presyo ng produktong petrolyo sa gitna ng nararanasang krisis sa suplay sa pandaigdigang merkado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. Ng lungsod, sinabi niya na mayroon nang itinalagang task force na tututok sa monitoring ng presyo ng gasolina at diesel sa lungsod, kasabay ng pagsunod sa mga inilalabas na bulletin mula sa pambansang pamahalaan.

Ayon sa alkalde, bagamat nakapagtala ng pagbaba ng presyo ng langis sa mga nakalipas na linggo, nananatili pa ring hamon ang sitwasyon dahil sa epekto ng tensyon sa Middle East, partikular sa pinsalang idinulot sa mga oil refinery at supply routes.

Dagdag pa niya, inaasahan na magtatagal pa ang pagbangon ng suplay ng langis, ngunit umaasa ang pamahalaan na maibaba pa ang presyo nito sa mas abot-kayang antas para sa publiko.

--Ads--

Sinabi rin niya na bukas ang kanilang tanggapan sa mga ulat ng publiko kaugnay sa posibleng iregularidad sa presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan.

Hinimok niya ang mga residente na agad mag-report sa kanilang opisina o sa official social media pages ng lungsod upang agad na maaksyunan ang anumang paglabag.

Kaugnay naman sa pamasahe ng mga tricycle, sinabi ng alkalde na kasalukuyan pa nilang tinatapos ang konsultasyon sa pagitan ng mga driver at riding public bago maglabas ng anumang kautusan.

Ayon sa kanya, nais niyang marinig ang panig ng parehong sektor upang matiyak na magiging patas ang anumang desisyon, lalo na sa gitna ng krisis na dulot ng mataas na presyo ng langis.