Posibleng bumaba ang presyo ng diesel at kerosene habang inaasahang tataas naman ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo batay sa galaw ng pandaigdigang merkado sa unang tatlong araw ng trading.
Batay sa inisyal na pagtaya, maaaring magkaroon ng rollback na ₱5.20 kada litro sa diesel at ₱6.70 kada litro sa kerosene. Samantala, inaasahang tataas ng ₱2.00 kada litro ang presyo ng gasolina.
Ayon kay Leo Bellas president ng Jetti Petroleum, posible pang lumaki ang bawas-presyo sa diesel at kerosene depende sa galaw ng merkado sa nalalabing dalawang araw ng trading.
Ipinaliwanag ni Bellas na tumataas naman ang presyo ng gasolina dahil sa pagtaas ng demand kasabay ng pagsisimula ng driving season sa Northern Hemisphere.
Dagdag pa niya, dahil sa mas mataas na demand sa gasolina, tumataas din ang risk premium cost nito kumpara sa diesel.
Matatandaang ngayong linggo ay kapwa tumaas ng mahigit ₱2 kada litro ang presyo ng diesel at gasolina sa bansa.











