--Ads--

Hamon pa rin sa mga nagtitinda ng gulay sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang pagkuha ng sapat na suplay mula sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal o NVAT dahil sa dumaraming mamimili at pabago-bagong produksyon ng mga magsasaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Flora Macoy, isang vegetable vendor, sinabi nitong kumukuha sila ng suplay mula sa Ambaguio at karatig na lugar, habang sa Santiago, Isabela naman nanggagaling ang ilang produkto gaya ng sitaw, okra at talong.

Napansin umano ni Macoy na mas dumarami ang nagtitinda kaysa sa mga nagtatanim, habang may mga mamimili rin mula Maynila at Tuguegarao na kumukuha ng gulay sa NVAT, kaya nababawasan ang suplay para sa mga lokal na vendor.

Dagdag pa niya, tumataas ang kanilang puhunan dahil sa patong ng mga middleman.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nasa ₱100 kada kilo ang kamatis, ₱160 ang patatas, ₱100 hanggang ₱120 ang karot at ₱200 ang berdeng sili.

Problema rin ng mga magsasaka ang mahal na pesticides at iba pang gastusin, gayundin ang matinding init at kawalan ng katiyakan sa pagbebenta ng kanilang ani. May pagkakataon ding nasasayang ang mga gulay kapag sobra ang produksyon ngunit kakaunti ang bumibili.

Ibinahagi rin ni Macoy na mula ₱25 kada kilo ay umakyat sa ₱60 ang presyo ng sitaw sa loob lamang ng isang linggo.

Kaugnay nito, nagsagawa ang Department of Agriculture Region 2 at NWADO ng buy-and-save operation noong Agosto 19, 2026 upang matulungan ang mga magsasakang hindi agad naibenta ang kanilang ani dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.