--Ads--

Tumaas ang presyo ng pagkain sa buong mundo noong Marso, na pangunahing dulot ng pagtaas ng gastos sa enerhiya kaugnay ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization (FAO).

Batay sa FAO Food Price Index, na sumusukat sa pagbabago ng presyo ng mga pangunahing produktong pagkain na itini-trade sa pandaigdigang merkado, umabot ito sa 128.5 points noong Marso—mas mataas ng 2.4% kumpara sa naitalang antas noong Pebrero.

Ayon kay FAO Chief Economist Maximo Torero, nananatiling katamtaman ang pagtaas ng presyo mula nang magsimula ang sigalot.

“Price rises since the conflict began have been modest, driven mainly by higher oil prices and cushioned by ample global cereal supplies,” aniya sa isang pahayag.

--Ads--

Gayunman, nagbabala si Torero na kung tatagal ng higit sa 40 araw ang kaguluhan at mananatiling mataas ang gastos sa produksyon, maaaring magbawas ang mga magsasaka ng kanilang inputs, magtanim ng mas kaunti, o magpalit ng pananim.

Posible aniyang magresulta ito sa mas mababang ani sa hinaharap, na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng pagkain sa natitirang bahagi ng taon at sa susunod na taon.